Nararapat lamang na kumpiskahin ang mga baril at bawiin na ang mga permit na inisyu ng Philippine National Police kay Wilfredo Gonzales, ang dating pulis na sangkot sa Quezon City road rage.
Ito ang binigyang-diin ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa kasabay ng papuri sa agarang desisyon ng PNP na i-revoke ang gun privileges ni Gonzales kabilang ang kanyang License To Own and Possess Firearm (LTOPF), Firearm Registration (FR), at Permit to Carry Firearms Outside Residence (PTCFOR).
Kasabay nito, kinumpiska rin ng PNP ang tatlong caliber 45 at isang 9 mm pistol ni Gonzales.
Sinabi ni dela Rosa na hindi katanggap-tanggap sa isang sibilisadong komunidad ang agad na paggamit ni Gonzales ng baril sa isang taong wala namang armas kahit pa sabihing ito ay pananakot lamang.
Ipinaala ng senador na ang pagkakaloob ng mga permit ng PNP ay ginagamit lamang pamproteksyon sa sarili at hindi sa panakot o aggressive actions laban sa sinuman. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News