Nagsagawa ng sky patrol at probing flight ang Philippine National Police (PNP) sa Metro Manila ngayong linggo bilang bahagi ng paghahanda para sa ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Lunes.
Pinangunahan ng PNP Air Unit ang aktibidad upang subukin ang kahandaan ng kanilang mga piloto at air assets.
Ayon kay PNP Air Unit Chief Col. Serafin Fortuno Petalio II, ginamit sa operasyon ang H125 Airbus Helicopter na lumipad mula sa Manila Domestic Airport.
Sa kabila ng masungit na panahon, naisagawa pa rin ng mga police aviator ang air patrol.
Ang operasyon ay alinsunod sa direktiba ni PNP Chief Gen. Nicolas Torre III na tiyakin ang 100% operational readiness ng pambansang pulisya para sa SONA.