![]()
Naka-alerto ngayon ang Philippine National Police (PNP) sa posibleng pagganti ng grupong Dawlah Islamiyah matapos mapatay ang lider at bomb expert na si Ustadz Mohammad Usman Solaiman nitong Linggo sa Maguindanao del Sur.
Iniutos ni PNP Acting Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr. sa lahat ng unit ng pulisya sa Central at Western Mindanao na maging alerto sa mga posibleng mangyari.
Ayon sa kanya, mahigpit ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pamamagitan ng local commanders upang matiyak ang seguridad at kaligtasan ng publiko.
Napatay si Solaiman sa isang operasyon sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur, sa loob lamang ng halos dalawang minuto.
Eksperto ang napatay na rebelde sa paggawa ng bomba, at sinasabing ang grupo nito ang nasa likod ng sunod-sunod na bus bombing sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao.
