Mabigat na paglabag sa karapatan at dignidad ng kababaihan ang ginawa ng dalawang pulis laban sa babaeng kabaro sa Marikina City.
Sa isang pahayag, binigyang-diin ni PNP Women and Children Protection Center (WCPC) Acting Chief BGen. Maria Sheila Portento na walang puwang sa PNP o sa anumang institusyon ang karahasan laban sa kababaihan at kabataan.
Iginiit din nito na dapat managot ang mga sangkot at tuldukan ang anumang uri ng harassment saan mang lugar, mapa-trabaho man o sa lipunan.
Naisampa na ang kasong kriminal at administratibo laban sa dalawang pulis na kasalukuyang nasa restrictive custody at dinisarmahan na.
Tiniyak naman ng PNP na maibibigay sa biktimang pulis ang nararapat na medikal at psychological assistance.