Binigyang diin ng Philippine National Police (PNP) na ang mga kasong isinampa nila laban kay Vice President Sara Duterte at iba pang personalidad, ay hindi “politically motivated.”
Iginiit ng PNP na ang kanilang hakbang ay pagtupad lamang sa mandato sa kanila ng Konstitusyon na pagtibayin ang rule of law.
Noong Miyerkules ay isang police doctor ang naghain ng reklamo laban kay VP Sara, pati na sa pinuno ng kanyang security detail, at iba pa, dahil sa insidente sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa Quezon City.
Inakusahan si Duterte, kanyang security head na si Army Col. Raymund Dante Lachica, at iba pa ng unlawful acts na may kaugnayan sa umano’y direct assault, disobedience, at coercion na nangyari nang ilipat ang kanyang chief of staff na si Atty. Zuleika Lopez sa VMMC mula sa House of Representatives Detention Facility.
Iginiit ng PNP na tumulong ang security detail ng bise presidente sa “forced transfer” ni Lopez mula sa VMMC patungo sa St. Luke’s Medical Center gamit ang pribadong ambulansya. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera