dzme1530.ph

PNP, hawak na ang 2 kapatid ni Julie Patidongan na itinuturing na “missing link” sa kaso ng nawawalang sabungero

Loading

Hawak na ng Philippine National Police ang dalawang indibidwal na itinuturing na “missing link” sa kaso ng mga nawawalang sabungero.

Sa pulong balitaan ngayong umaga, kinumpirma ni PNP Spokesperson BGen. Jean Fajardo na ang dalawang hawak ng PNP ay mga kapatid ng whistleblower na si Julie Patidongan, alyas “Totoy.”

Naaresto ang mga ito sa isang bansa sa Southeast Asia sa ilalim ng pamumuno ni dating CIDG Director BGen. Romeo Macapaz, at dumating sa Pilipinas noong July 22.

Kinilala ang mga suspek na sina Elakim Patidongan at Jose Patidongan.

Si Elakim ang umano’y nakunan ng CCTV habang nagwi-withdraw sa ATM account ng isa sa mga nawawalang sabungero, habang si Jose naman ay nakuhanan ng video na tila nag-e-escort sa isa pang sabungero bago ito mawala.

Napag-alamang may warrant of arrest si Jose sa kasong robbery, habang si Elakim ay nahuli dahil sa paggamit ng ibang pangalan sa kanyang passport, Robert Baylon, na isang malinaw na paglabag sa batas.

Giit ni Fajardo, ang pagkakaaresto sa dalawa ay resulta ng isang lehitimong operasyon, sa pakikipagtulungan ng Bureau of Immigration at may kalakip na approved case operational plan.

Dagdag pa ng opisyal, ang pagkakahuli sa mga kapatid ni “Totoy” ay isang malaking progreso sa kaso, at maaaring magbigay ng mas malinaw na direksyon sa imbestigasyon ng pagkawala ng mga sabungero.

About The Author