dzme1530.ph

PNP, handang-handa na para sa ika-4 na SONA ni PBBM

Loading

Maaga nang inilatag ang seguridad sa paligid ng Batasang Pambansa habang naghahanda ang Philippine National Police (PNP) para sa nalalapit na ika-apat na State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo 28.

Ayon kay PNP spokesperson PBGen. Jean Fajardo, nag-deploy na sila ngayong araw ng paunang puwersa na binubuo ng nasa 3,000 pulis. Nakapuwesto ang mga ito sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, mula Sandiganbayan hanggang Litex Road, pati na rin sa IBP Road, na isa sa mga pangunahing access point sa Batasan Complex.

Inaasahan namang aabot sa higit 20,000 ang kabuuang bilang ng pulis at augmentation personnel na ipakakalat pagsapit ng madaling-araw ng mismong araw ng SONA.

Bagamat wala pang namamataang seryosong banta sa seguridad, tiniyak ni Fajardo na patuloy ang intel operations at paghahanda ng kapulisan upang matiyak ang maayos, payapa, at ligtas na pagdaraos ng taunang ulat sa bayan ng Pangulo.

About The Author