Aminado ang liderato ng Philippine National Police (PNP) na demoralisado ngayon ang kanilang hanay kasunod ng pagkakasangkot ng ilan nilang miyembro sa pag-abuso sa kapangyarihan.
Ginawa ni PNP Deputy Chief for Administration Police Lt Gen. Rhodel Sermonia ang pahayag sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs kaugnay sa pagpatay kay Jemboy Baltazar dahil sa mistaken identity.
Sinabi ni Sermonia na nakararamdam din ng kahihiyan ang kanilang liderato dahil sa kabila ng pagdoble ng kanilang mga sahod ay nangyayari pa rin ang pag-abuso ng mga pulis.
Dahil anya rito, mahigpit nilang ipatutupad ang one strike policy sa mga pulis na masasangkot sa krimen habang 3 strike policy naman para sa command responsibility ng kanilang mga superior.
Samantala sa pagdinig, kinuwestyon ng mga senador ang proseso ng recruitment ng PNP kung saan ang mga bumabagsak sa neuro psychiatric test ay nabibigyan pa ng ilang tsansa upang makapag-retake ng test at makapasok sa serbisyo.
Sinabi ni Senador Raffy Tulfo na hindi dapat pinapayagan ang ganitong polisiya dahil may kakaibang epekto sa performance ng mga pulis kung may problema ito sa pag-iisip.
Naging kwestyonable naman din para kay Tulfo kung paano napagkamalan ng mga pulis na si Baltazar ang kanilang hinahabol na suspek sa pagpatay gayong nasa 10 hanggang 15 metro umano ang layo ng mga bumaril sa kinaroroonan ni Baltazar. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News