Kinumpirma ni Senador Sherwin Gatchalian na nagsimula na ang Philippine National Police—Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa pagsisiyasat kaugnay sa sinasabing banta sa kanyang buhay bunsod ng aktibo niyang partisipasyon sa imbestigasyon sa POGO operations sa bansa.
Sinabi ni Gatchalian na nakipag-ugnayan na sa kanya ang tanggapan ng PNP-CIDG at nanghingi na ng inisyal na impormasyon.
Una nang sumulat si Gatchalian sa Pasay Police at sa Senate Sergeant-At-Arms kaugnay sa mga lumabas na video na pinag-uusapan ang tig-P5 milyong patong sa kanyang ulo at ni Senador Risa Hontiiveros.
Sa ngayon, bagama’t walang aktwal na nararamdamang banta, inamin ni Gatchalian na apektado na rin ang kanyang paglabas at nagdoble ingat na rin bukod pa sa nagdagdag ng seguridad.
Sa kabila nito ay tiniyak niyang magpapatuloy ang kanyang mga trabaho sa Senado at hindi pa rin titigil sa pag-iimbestiga sa mga POGO hub.