Kinuwestiyon ng PLDT at Globe Telecom ang Konektadong Pinoy (KP) bill dahil sa umano’y paglabag sa Saligang Batas at banta sa pambansang seguridad, kasunod ng babala ng mga legal at security expert.
Nanawagan ang dalawang telco kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ibalik ang panukala sa Senado para sa masusing pagsusuri at pag-amyenda sa mga probisyong tinututulan ng mga eksperto sa batas at seguridad.
Bagaman suportado nila ang layunin nitong palawakin ang akses sa internet sa mga liblib na lugar, iginiit ng dalawang kumpanya na may seryosong butas ang kasalukuyang bersyon.
Ayon kay PLDT corporate sec. Marilyn Victorio-Aquino, hindi umano balanse ang mga benepisyo para sa mga bagong data transmission provider kumpara sa mga natatanggap ng kasalukuyang operator.
Nagbabala rin ito na maaari nitong pilitin ang mga operator na buksan ang kanilang assets sa mga bagong provider, na magdudulot ng mas malaking panganib sa cybersecurity para sa kumpanya at mga subscriber.
Samantala, sinabi ni Globe general counsel Froilan Castelo na kailangang repasuhin ang panukala upang matiyak ang patas na kompetisyon at pangmatagalang katatagan ng industriya.
Una nang nagpahayag ng pagtutol si dating chief justice Artemio Panganiban, na tinawag ang panukala na “nobly aimed but constitutionally flawed” dahil sa posibleng paglabag nito sa iba’t ibang bahagi ng Saligang Batas.
Nagbabala rin ang dating DICT secretary na si Gregorio “Gringo” Honasan hinggil sa mga posibleng banta sa pambansang seguridad, kabilang ang kakulangan sa mekanismong pangseguridad, regulasyon, at malinaw na legal na batayan ng mga parusa.