dzme1530.ph

Planong pagtanggap ng Afghan refugees ng bansa, hindi isinikreto

Binigyang diin ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel “Babe” Romualdez na hindi isinekreto ang planong pagtanggap ng mga Afghan refugee sa bansa at hindi pa ito inaaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Una nang kinumpirma ng Malakanyang na nagsagawa ng “Technical Coordination Meeting” ang Presidential Management Staff (PMS) kasama ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno para talakayin ang panukala ng US na pansamantalang kupkupin ang naturang refugees dito sa Pilipinas.

Pinuna kasi ni Senator Imee Marcos ang PMS dahil hindi nito ipinaalam sa publiko ang tungkol sa pagpupulong at inihayag na isinasapinal na ng naturang ahensya ang isang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos upang ma-accommodate ang hindi pa tiyak na bilang ng mga Afghan.

Ibinahagi ng Senadora ang isang kopya ng tala mula sa kanyang “anonymous” source sa DFA na si Romualdez mismo ang umano’y nagsusulong ng kasunduan sa Afghan refugees.

Gayunman, nilinaw ni Romualdez na ang plano para ma-accommodate ang mga Afghan ay hindi isang lihim at kasalukuyan pang pinag-aaralan ng iba’t ibang mga ahensiya ng gobyerno. —sa panulat ni Jam Tarrayo

About The Author