Hinimok ni Sen. Risa Hontiveros ang Malacañang na agarang ipatawag ang Chinese ambassador upang tutulan ang umano’y plano ng Beijing na magtayo ng “marine nature reserve” sa Bajo de Masinloc.
Giit ng senadora, desperadong hakbang ito ng China upang patibayin ang kanilang iligal na okupasyon sa teritoryo ng Pilipinas.
Ipinaalala rin ni Hontiveros na naghain siya ng Proposed Senate Resolution No. 85, na humihikayat sa Ehekutibo na singilin ang China ng mahigit ₱300 bilyon bilang danyos para sa pagkasira ng likas-yaman sa West Philippine Sea.
Dagdag pa nito, maraming henerasyon na umaasa ang mga Pilipinong mangingisda sa Bajo de Masinloc, ngunit halos hindi na sila makalapit dahil sa presensya ng mga barko ng China.
Binigyang-diin ni Hontiveros na dapat tiyakin ng gobyerno ang access ng mga mangingisda sa kanilang tradisyonal na pangisdaan sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na presensya, maigting na pagpapatrolya, at agarang pagtulong sa mga bangkang Pilipino.
Binanggit din ng senadora ang paulit-ulit na pahayag ng Pangulo na hindi isusuko ng bansa ang kahit isang pulgada ng teritoryo.