Kinuwestiyon ni Senador Raffy Tulfo ang planong pag-aangkat ng modern units ng jeepney mula sa China sa gitna ng isinusulong na PUV Modernization Program.
Ginawa ito ni Tulfo sa ipinatawag niyang consultative meeting kasama ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang talakayin ang mga isyu sa sektor ng transportasyon, telekomunikasyon at utilities and franchises.
Sinabi ni Tulfo na mas makabubuting magpagawa sa local manufacturers ng modern jeeps sa mas mababang halaga sa halip na mag-import.
Iminungkahi rin ni Tulfo sa Department of Transportation na bumalangkas ng mga bagong sistema upang mabawasan ang congestion at iba pang problema sa kalsada.
Kasabay nito, pinuna ni Tulfo ang madalas na pagkasira ng mga tren, maging ng mga elevators at escalators sa mga istasyon nito.
Hinimok ng senador ang ahensya na palitan na ang kasulukuyang maintenance service provider ng MRT-3 na Sumitomo Corporation para maiwasan na ang kapalpakan na nagpapasakit sa commuters.
Hindi rin pinalampas ng mambabatas ang pagkakataon upang ipaalam sa mga ahensya ng gobyerno ang mga problema sa mga VIP chartered planes kung saan maaaring magpuslit ang mga pasahero nito ng mga kontrabando papasok at palabas ng bansa.
Nangako rin si Tulfo na susuportahan niya ang pagdaragdag ng budget sa Department of Transportation (DoTr) upang magtayo ng processing centers sa mga paliparan.