Pinalagan ni Senator Raffy Tulfo ang aniya’y anti-poor na plano ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na patawan ng dagdag na buwis ang mga junk food sa susunod na taon.
Binigyang-diin ng mambabatas na ang mga chichirya ay ang abot-kayang meryenda ng mga mahihirap at kung minsan ay ginagawa pang ulam.
Kaya kapag pinatawan anya ng dagdag na buwis ay magiging dagdag pasakit ito para sa mahihirap.
Iginiit ni Tulfo na kung ang pakay ng gobyerno ay dagdag kita, mas dapat puntiryahin ang luxury items tulad ng food supplements, protein bars, energy bars, slimming drinks kasama na ang cosmetic products.
Ang food supplements at cosmetic products ay multi-billion pesos industries at nakatitiyak ang BIR na bilyones din ang kanilang malilikom na buwis mula rito kung kanilang nanaisin.
Kung kalusugan naman anya ang dahilan para sa dagdag na buwis, dapat makipag-ugnayan ang Department of Health (DOH) sa mga manufacturers upang ibaba ang sodium content ng mga junk foods.
Inihalimbawa pa nito ang Singapore na nakahanap ng low sodium substitute ang mga manufacturers para sa ilan nilang mga processed food product na hindi naman nalalayo ang lasa. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News