Inaasahang magkakaubusan ng plaka para sa mga motorsiklo sa Hunyo habang ang para sa four-wheeled vehicles naman ay sa Hulyo, ayon sa Land Transportation Office (LTO).
Sinabi ni LTO Chief Jay Art Tugade na naipabatid na nila sa Department of Transportation (DOTr) ang nakaambang problema dahil ang ahensya ang in-charge sa pagbili ng license plates na nagkakahalaga ng P4.5-B.
Bilang solusyon sa problema, inihayag ni Tugade na pinag-aaralan nilang payagan ang mga may-ari ng mga motorsiklo at mga sasakyan na pansamantalang gamitin ang ipinagawang sariling license plates.
Aminado ang LTO Chief sa posibilidad na magamit ito sa krimen subalit kailangan aniya na matukoy ang mga sasakyan sa pamamagitan ng plaka at isa ito sa nakikita nilang paraan.
Susuriin naman aniya ng lto ang Certificate of Registration ng may-ari kung saan nakasaad ang file number upang malaman ang identity ng sasakyan.
Umapela rin si Tugade sa DOTr na bilisan ang procurement ng license plates upang maiwasan ang mas malaking problema. —sa panulat ni Lea Soriano