Hindi katanggap-tanggap ang pinakahuling harassment ng China Coast Guard laban sa tropa ng pamahalaan at mga mangingisdang Pinoy sa Ayungin Shoal.
Ito ang reaksyon ng magkapatid na senador na sina Sen’s. JV Ejercito at Jinggoy Estrada matapos ang pagharang sa mga mahahalagang supply para sa tropang naka-istasyon sa Ayungin Shoal at humarang sa evacuation ng mga maysakit na Marino.
Sinabi ni Ejercito na ang walang pusong aksyon na ito ay naglagay sa panganib sa mga sundalong Pinoy at pagpapakita ng kawalan ng tunay na malasakit sa taumbayan.
Muling nanawagan ang senador sa China na irespeto ang maritime activities ng bansa sa naturang lugar at tigilan ang mga aksyon na makakapagpalala ng tensyon.
Panahon na aniyang pabilisin ang pagpapalakas ng militar ng bansa para sa ating depensa.
Sinabi naman ni Estrada na kasabay ng patuloy na pagsusulong ng soberanya ng bansa, kailangang ipagpatuloy ang paghikayat sa mga international allies na sumuporta sa bansa.