Sa kabila ng approval sa committee level sa Senado, “big no” pa rin kay Senate Majority Leader Joel Villanueva ang isinusulong na panukalang divorce.
Sa halip, sinabi ni Villanueva na ang nararapat ay mas padaliin ang proseso ng annulment at gawin itong accessible sa mahihirap.
Ipinaliwanag ng senador na ang pag-apruba sa Divorce bill o kahit anong panukalang batas sa committee level ay bahagi ng legislative process.
Lahat anya ng miyembro ng Senado ay malayang nakakapagsagawa ng mga hearing na na-re-refer sa kani-kanilang kumite.
Gayunman, binigyang-diin ni Villanueva na nais nitong bigyang linaw na hindi pa maituturing na majrity ng senado ang siyam na pumirma sa committee report.
Marami rin anya sa kanilang mga kasamahan ang pumirma sa committee report para lamang mapag-usapan na ito sa plenaryo.
Gayunman, sinabi ni Villanueva na bagamat hindi nagbabago ang personal niyang pananaw sa pagtutol sa panukala, aminado siya na may mga pagsasama, lalo na kung nauuwi sa karahasan, ay dapat nang wakasan.
Dito na anya papasok ang annulment at declaration of nullity of marriage na nararapat na padaliin at gawing mas accessible sa lahat, anuman ang estado sa buhay. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News