dzme1530.ph

Pilot study ng MC Taxi, palalawigin pa

Palalawigin pa ang pilot study ng motorcycle (MC) taxi alinsunod sa napagkasunduan sa pagitan ng Kamara at LTFRB.

Sa pagdinig ng Committee on Transportation ni Antipolo City Cong. Romeo Acop, sinita nito ang LTFRB kung bakit naging unlimited na ang pilot study para sa motorcycle taxi na dapat sana ay natapos na noon pang 2021.

Pinagalitan din ni Acop ang LTFRB dahil sa inilabas na memorandum para magpatuloy ang pilot study na lantaran umanong panghihimasok sa kapangyarihan ng Kongreso.

Dahil sa kautusan, nagpatuloy sa pag byahe ang mga MC taxis kahit walang batas, at nauwi rin sa monopolyo ng tatlong kumpanya na kasali sa pilot study.

Nagkasundo na lamang ang Kamara at si LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III na palawigin pa ang pag-aaral sa MC Taxi, at isasama na sa pilot study ang iba pang urban areas sa bansa, at ibang players.

Sa ngayon tanging Angkas, Joyride at Move It lang ang kumpanya na kasali sa pag-aaral.

Maglalabas din ng bagong guidelines ang LTFRB para ipagbawal ang multi-homing o pag-enroll sa dalawa o higit pang motorcycle taxi company. –sa ulat ni Ed Sarto, DZME News

About The Author