dzme1530.ph

Pilipinas, tututukan ang sariling imbestigasyon at prosekusyon sa war on drugs

Kasunod ng pagbasura ng International Criminal Court (ICC) sa apela ng Pilipinas, inihayag ni Solicitor General Menardo Guevarra na tututukan ng bansa ang sariling imbestigasyon at prosekusyon sa mga krimeng may kaugnayan sa kontrobersyal na war on drugs.

Noong Martes ay ibinasura ng ICC ang apela ng pamahalaan laban sa pagpapatuloy ng imbestigasyon nito sa madugong kampanya laban sa iligal na droga ng nakalipas na Duterte administration.

Sinabi ni Guevarra na malaya naman ang ICC na ipagpatuloy ang sarili nitong imbestigasyon subalit wala itong aasahang anumang kooperasyon mula sa gobyerno ng Pilipinas, dahil hindi kinikilala ng bansa ang hurisdiksyon ng naturang korte.

Sa ilalim ng drug war, nasa 6,200 suspects ang nasawi sa police operations, batay sa tala ng pamahalaan.

Gayunman, iginiit ng human rights groups na posibleng 12,000 hanggang 30,000 ang aktuwal na pinaslang sa war on drugs. —sa panulat ni Lea Soriano

About The Author