Naungusan ng Pilipinas ang China bilang nangungunang importer ng bigas sa mundo.
Ito ang inanunsyo ng United States Department of Agriculture (USDA) sa kanilang pinakahuling “Grain: World Markets and Trade” report.
Ayon sa USDA, inaasahang aabot sa 3.8-M MT ang rice importation ng Pilipinas sa marketing year 2023-2024 habang bababa naman sa 3.5-M MT ang ii-import na bigas ng China.
Nakasaad din dito na nagpipigil lang ang bansa sa pag-import ng bigas ngayong taon dahil sa pagsirit ng presyo nito bunsod ng rice export ban na ipinatupad ng India at Vietnam.
Samantala, sinang-ayunan naman ito ni Federation of Free Farmers National Manager Raul Montemayor at sinabing nakikita niya ang pangangailangan sa large volume ng imports sa susunod na taon dahil kinakapos ang domestic supply sa demand ng publiko at para rin aniya mabawi ang mababang rice importation sa ikatlong quarter ng 2023.
Nabatid na base sa September 7 data ng Bureau of Plant Industry, umakyat na sa 2.33-M MT ang rice imports ng bansa kung saan 4.46% dito ay mula sa Thailand at 89.85% naman ang galing sa Vietnam. –sa panulat ni Jam Tarrayo