dzme1530.ph

Pilipinas, patuloy na makikipag-dayalogo sa China sa harap ng WPS dispute —PBBM

Patuloy na makikipag-dayalogo ang Pilipinas sa China sa harap ng sigalot sa West Philippine Sea.

Sa kanyang keynote address sa Lowy Institute Think Tank sa Australia, inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi ititigil ang bilateral dialogue sa China, gayundin ang pagsusumikap na paganahin ang bilateral mechanism sa nasabing bansa.

Ito ay magiging kaakibat ng ASEAN Mechanisms sa pagtugon sa magkakaibang pananaw sa usapin sa karagatan.

Sinabi pa ni Marcos na alinsunod sa Independent Foreign Policy, ipagpapatuloy ang kooperasyon sa China para sa interes ng bansa.

Gayunman, iginiit ng Pangulo na idini-dikta rin ng independent foreign policy ang patuloy na pagtindig sa mga bagay na hindi pinagkakasunduan, at ang pagpalag sa pag-kwestyon o pagbalewala sa soberanya, sovereign rights, at jurisdiction sa WPS.

Tiniyak ng Pangulo na nananatili ang pagtalima ng bansa sa 2002 ASEAN-China Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea, kaakibat ng commitment sa pakikipagtulungan sa ASEAN at China para sa pagkakaroon ng epektibong Sea Code of Conduct.

About The Author