Inihayag ng Department of Health na kulang ang Pilipinas sa mga dentista.
Ayon kay Health Sec. Ted Herbosa, sa kasalukuyan ay dalawa lamang ang gov’t-owned dental schools sa bansa, ito ay ang University of the Philippines at Western Visayas State University.
Iginiit pa nito na masyadong magastos ang pagtatayo ng dental school dahil milyong-milyong piso ang halaga ng dental equipment kabilang na ang dental chair.
Kaugnay dito, karamihan umano sa dental schools ay pribado at karamihan ng kanilang graduates ay nagta-trabaho sa pribadong sektor.
Tinukoy din ni Herbosa ang problema sa pagbibigay ng access sa dental service para sa mahihirap, dahil nga kulang ang mga dentista.
Kaugnay dito, iniutos na ng health secretary na muling pag-aralan ang National Dental Health Service Law para sa posibleng pagtataas ng sweldo ng government dentists, o kaya naman ay ang pagtatatag ng public-private partnership sa Philippine Dental Association.