dzme1530.ph

Pilipinas, hindi yayaman kung magpapatuloy ang mahihigpit na polisiya sa pagnenegosyo

Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na walang bansa ang yumaman sa pamamagitan ng protectionist policies o mahihigpit na polisiya sa pagnenegosyo.

Sa talumpati sa paglulunsad ng Executive Order no. 18 na magtatatag ng green lanes para sa strategic o mahahalagang investments, iginiit ng Pangulo na ang yaman ng isang bansa ay nakabatay sa antas ng trade o pakikipagkalakal nito, at kung babalikan umano ang kasaysayan ay makikitang ang kalakalan ang naging susi sa yaman at sistema ng ekonomiya ng mga bansa.

At kung nais umano ng Pilipinas na makasabay sa mga kalapit na bansa tulad ng Thailand, Indonesia, at Vietnam, hindi na dapat ito magtago pa sa protectionist policies.

Kaugnay dito, kinilala ng pangulo ang pagsuporta ng Kongreso sa agenda ng administrasyon sa pagtataguyod ng masiglang business environment, at pagtitiyak na ang lahat ng polisiya ay nakalinya sa pagsasakatuparan ng mahahalagang investments.

Sinabi rin ni Marcos na ang EO 18 ay nakahanay sa landmark economic reforms na ginawa ng Kongreso, kabilang ang amendments sa mga batas tulad ng Public Service Act, Foreign Investments Act, at Retail Trade Liberalization Law.

Pinuri rin ng Pangulo ang lahat ng tumulong upang mabuo ang EO na layuning isulong ang ease of doing business upang mapalakas ang investments sa bansa. —sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News

About The Author