Aminado ang Office of Civil Defense (OCD) na hindi pa handa ang Pilipinas sa magnitude 7.7 na lindol na kagaya ng tumama sa Myanmar noong Biyernes.
Sinabi ni OCD Administrator Usec. Ariel Nepomuceno na hindi nila pwedeng pagandahin ang sagot dahil kailangan pang maghabol ng Pilipinas sa paghahanda.
Ayon kay Nepomuceno, mayroong dalawang lebel ng kahandaan sakaling tumama ang isang malakas na lindol.
Aniya, karamihan ng mga Pilipino ay alam na ang “duck, cover and hold” kapag may lindol dahil sa Nationwide Earthquake Drills.
Idinagdag ni Nepomuceno na engineering solutions ang unang lebel ng kahandaan para sa malalakas na lindol, sa pamamagitan ng paggawa earthquake-proof na mga istruktura, gaya ng mga bahay, gusali, at tulay.
Kailangan din aniyang isailalim ang mga paaralan at health centers sa retrofitting upang maging matatag sa malalakas na pag-uga.