Hindi dapat magpaapekto ang Pilipinas sa inilabas na bagong mapa ng China na sumasaklaw sa West Philippine Sea sa kanilang 10-dash line.
Ito ang nagkakaisang pahayag nina Senators Chiz Escudero, Koko Pimentel at Jinggoy Estrada kasabay ng pagsasabing dapat nating tutukan ang sarili nating territorial claims.
Sinabi ni Escudero na maaaring magpalabas ng kahit ilan pang mapa ang China subalit hindi nito mababago ang Arbitral Ruling na pumabor sa ating Exclusive Economic Zone sa West Philippine Sea.
Idinagdag ng senador na ang anumang unilateral declaration ng isang estado ay walang bigat o hindi binibigyang halaga sa International Law.
Iginiit pa ni Escudero na hindi dapat nating hayaan ang China ang magdikta sa ating tempo o aksyon sa pamamagitan ng pagiging reactionary at sa halip ay gawin lamang natin ang sa tingin natin ay tama alinsunod sa national interest.
Ipinaalala naman ni Pimentel na hindi natin obligasyon na kilalanin ang territorial claims ng ibang bansa.
Sinabi ng senate minority leader na mahalaga ay tutukan ang ating sariling posisyon lalo na ang ating maritime zone.
Naniniwala naman si Estrada na nang-iinis lamang ang China sa paglalabas ng 10-dash line. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News