Naniniwala si Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na magiging “back to square one” ang Pilipinas sa proseso sakaling magdesisyon na bumalik sa International Criminal Court (ICC).
Sinabi ni Dela Rosa na kabilang sa proseso ang pagratipikang muli ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Rome Statute o ang kasunduang magbabalik sa Pilipinas sa ICC.
Kailangan ding sumang-ayon ang Senado sa kasunduan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng two-thirds vote mula sa mga senador.
Binigyang-diin pa ng mambabatas na sakaling umabot muli sa Senado ang kasunduan ay ipiprisinta lang niya sa kanyang mga kasamahan ang kanyang posisyon subalit hindi siya maglo-lobby ng laban sa kasunduan.
Nilinaw din ng senador na nirerespeto niya ang sariling pananaw ng mga senador tungkol sa usapin kaya hindi na niya kailangang mangampanya laban dito.
Kumalas ang Pilipinas sa ICC noong March 2018 at naging epektibo ito noong March 2019 sa ilalim ng administrasyon ni Dating Pangulong Rodrigo Duterte.
—Ulat ni Dang Samson-Garcia, DZME News