Nagkasundo ang Pilipinas at Malaysia sa pagkakaroon ng joint commission meeting upang talakayin ang kooperasyon sa iba’t ibang larangan na magiging kapaki-pakinabang sa magkabilang-bansa.
Ito ay matapos ang pakikipagpulong ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kay Malaysian Prime Minister Anwar Ibrahim sa Malaysia.
Sa joint press conference, inihayag ni Marcos na ang joint commission meeting ay magsisilbing daan para pag-usapan ang kooperasyon kaugnay ng transnational crimes, agrikultura, HALAL industry, Islamic banking, edukasyon, turismo at kultura, sports, at digital economy.
Bukod dito, nag-alok din umano ang Malaysia ng kanilang expertise pagdating sa HALAL industry, Islamic banking, at food security, at handa rin silang magbigay ng pagsasanay sa mga Pilipino.
Kaugnay dito, sisikapin ni Marcos na magkaroon ng Memorandum of Understandings kasama ang Malaysia sa mga nasabing larangan.
Samantala, sang-ayon din ang Malaysian Prime Minister sa pagpapatawag ng joint commission meeting upang mapalakas ang diplomatic ties ng dalawang bansa. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News