Nagkasundo ang Pilipinas at Lithuania sa magkasamang pagtataguyod ng rules-based international order.
Sa pakikipagpulong kay Lithuanian Prime Minister Ingrida Šimonyte sa Singapore, ipinabatid ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagnanais na isulong ang kapayapaan at national interest, sa pamamagitan ng pag-resolba sa mga sigalot nang umaayon sa international law at mga kasunduan sa pagitan ng mga bansa.
Binigyang-diin pa ni Marcos na hindi siya nagta-trabaho para sa China, sa America, o maging para sa Russia, kundi para sa Pilipinas.
Sang-ayon naman ang Lithuanian PM sa tindig ng pangulo, at sinabi nito na mahalaga ang international law na nagsisilbing “safety network” o sandigan ng maliliit na bansa.
Mababatid na tulad ng Pilipinas na may territorial dispute sa China, ang Lithuania ay mayroon ding sigalot sa kapitbahay nitong bansa na Russia.