dzme1530.ph

Pilipinas at Iran, interesadong bumuo ng kasunduan sa agrikultura, trade and investment, teknolohiya, at turismo

Kapwa interesado ang Pilipinas at Iran na bumuo ng mga kasunduan sa agrikultura, kalakalan at investments, teknolohiya, at turismo.

Sa presentasyon ng credentials sa Malakanyang ni Iran Ambassador to the Philippines Yousef Esmaeilzadeh, inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na numero unong priority niya ngayon ang agrikultura sa harap ng mga problema sa Global Food Supply System.

Ipinalutang naman ng Iranian Ambassador ang posibleng pagbuo ng barter kung saan ang Iran ay magpapadala sa Pilipinas ng fertilizers, habang aangkatin naman nito ang tropical fruits ng bansa.

Kaugnay dito, sinabi ni Marcos na ang umiiral na Memoranda of Understanding sa pagitan ng dalawang bansa ay maaaring maging daan para sa mga kolaborasyon sa hinaharap.

Ito ay sa mga larangan ng nano-technology, biomedical devices, science and technology, turismo, at people-to-people exchanges.

Idinagdag pa ni Esmaeilzadeh na maaari ring magtulungan ang Pilipinas at Iran sa siyensiya at maritime security. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News

About The Author