Palalakasin ng Pilipinas at China ang pagtutulungan sa paglaban sa transnational criminal activities.
Ito ay kasunod ng pulong nina Presidential Anti-Organized Crime Commission Chairman at Executive Secretary Lucas Bersamin, at Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian.
Ayon sa PAOCC, ang pinaigting na kooperasyon ang klarong mensahe sa transnational criminal syndicates na hindi kukunsintihin at papayagan ang kanilang mga aktibidad na makasisira sa seguridad at kaayusan ng dalawang bansa.
Ito rin umano ang magbibigay-daan sa pagpapalitan ng expertise, intelligence, at pagsasagawa ng joint operations upang mabuwag ang criminal networks.
Samantala, pinuri rin ng China ang mga aksyon kamakailan ng Philippine law enforcement authorities laban sa illegal offshore gambling, kung saan na-rescue ang ilang Chinese nationals.