dzme1530.ph

Photo journalist at kaanak, tinambangan sa harap ng kanilang bahay sa Q.C

Pinagbabaril ng mga hindi pa nakikilang suspek ang isang photo journalist at anim pang kaanak nito habang papalapit sa kanyang tirahan along Corumi Street corner Gazan Street, Brgy. Masambong, Quezon City.

Napuruhan si Joshua Abiad, photo journalist ng pahayagang Remate online tabloid na nagtamo ng dalawang tama ng bala ng baril sa katawan gayundin ang dalawa pang kapatid nito at pamangkin na agad namang naisugod sa pinakamalapit na ospital.

Ayon kay Masambong QCPD Station Commander PLTCol Resty Damaso at sa saksing si Rodrigo Catacutan Valmes na isang Lalamove rider, nangyari ang insidente dakong alas 3:50 ng hapon kahapon, June 29, 2023 kung saan huminto ang Ford Everest na sinasakyan ng mga biktima sa harap ng kanilang bahay sa QC.

Doon na bumaba ang dalawang suspect sakay ng silver na Toyota Vios at pinaulanan ng bala ang sinasakyan ng naturang tabloid photographer.

Matapos ang pamamaril agad na tumakas ang mga gunman patungo sa direksiyon ng Delmonte Avenue, Quezon City.

Kasalukuyan pa ring nagsasagawa ng imbestigasyon at back tracking ng mga CCTV ang mga otoridad sa pinangyarihan ng insidente. —sa ulat ni Felix Laban, DZME News

About The Author