Umakyat na sa mahigit 8,000 reklamo tungkol sa online scams ang natanggap ng Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa unang bahagi ng taon.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies na pinangunahan ni Senador Mark Villar, inihayag na mula Enero hanggang Agosto 2023 ay umabot na sa 8,609 na reklamo patungkol sa scam at online attacks na katumbas ng halagang P155-M.
Sa datos ng PNP, kasama sa mga naitalang modus ang online selling scam, investment scam, ATM fraud/phishing, call scam/vishing, employment scam, loan scam, package scam, hijack profile, accommodation scam at love scam.
Pinakamarami ang nabibiktima sa online selling scam na umabot sa 3,615 ang reklamo at may katumbas na halagang naloko na aabot sa mahigit P68.8-M.
Karaniwang edad na nabibiktima ay mga nasa 21 hanggang 40 taong gulang na walang trabaho at self-employed at karamihan pa ay mga babae na nasa 61% habang 39% sa mga lalaki.
Pinakatalamak din ang pambibiktima ng scam sa Facebook/Messenger na nasa mahigit 6,700, sinundan ng WhatsApp, Telegram, Instagram, SMS at iba pang social media platform at mga delivery applications.
Nangungunang ginagamit ng mga scammers na ‘mode of payment’ ang Gcash, na sinundan ng mga bangko, online payment apps at iba pang financial institutions.
Aminado naman si PNP-ACG PBGen. Sideny Hernia na hindi sila tuluyang makapagsampa ng kaso dahil kapag natukoy na nila ang numero na gamit ng nanloloko sa huli ay lumalabas na ‘fictitious account’ o gawa-gawa lamang ito.
Bukod dito, mahirap din aniya ang prosesong kailangang pagdaanan para makuha ang mga kinakailangang datos mula sa mga bangko at financial institutions kaya sa huli ay umaatras na lamang ang mga biktima sa pagsasampa ng kaso. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News