![]()
Kumbinsido ang Philippine Navy at National Security Council na may mga katulad pa ang tatlong Filipino na nagtrabaho sa Department of National Defense at Philippine Navy na nadiskubre at umamin na nag-espiya para sa gobyerno ng China.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights, sinabi ni Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, Spokesman for the West Philippine Sea ng Philippine Navy, na tip of the iceberg pa lang ang pagkakadiskubre sa tatlong binigyan ng alyas na Lawrence, Allison, at Danny, at mayroon pa silang ongoing o active cases na iniimbestigahan.
Ipinaliwanag ni Trinidad na kung titingnan ang classic case ni dating Bamban Mayor Alice Guo, na natukoy na Chinese at hinihinalang agent ng China, hindi ito overnight na nakapasok sa gobyerno at naging mayor ng isang bayan.
Sa pagdinig, umayon si National Security Council Undersecretary Nestor Herico nung tinanong ni Senator Risa Hontiveros kung meron pa kaya sa ibang ahensya ng gobyerno o sa lehislatura na katulad ng mga natukoy na nag-espiya para sa China.
Ayon kay Herico, talagang may pagkilos mula sa ibang kalaban ng Pilipinas, kaya nga umaasa sila na aaprubahan nitong 20th Congress ang panukalang batas na magpapalakas ng batas laban sa pang-eespiya.
