dzme1530.ph

Philippine Ambassador to Egypt, nasangkot sa car accident —DFA

Kinumpirma ni Department of Foreign Affairs (DFA) Spokesperson Teresita Daza na habang patungo si Philippine Ambassador to Egypt Ezzedin Tago sa border sa pagitan ng Egypt at Sudan ay nasangkot ang sinasakyan nito sa isang aksidente.

Sa kabutihang palad naman aniya ay hindi nasaktan ang envoy at bumalik ng Cairo, at lilipad ito patungong border upang pangasiwaan ang pagpasok ng Filipino evacuees sa Egypt.

Sa hiwalay na pahayag, kinumpirma ni DFA Undersecretary Ed De Vega na kasama ni Tago si Vice Consul Bojer Capati nang bumaliktad ng dalawang beses ang kanilang sasakyan.

Idinagdag ni De Vega na hanggang kaninang umaga ay nag-deploy ang DFA ng pitong bus na may sakay na nasa 300 repatriates mula Sudan patungong Egypt.

Samantala ayon sa DFA, isang Pilipino naman ang nasugatan makaraang tamaan ng ligaw na bala sa Sudan. Nasugatan aniya sa kamay ang hindi pinangalanang Pinoy makaraang tamaan ng ligaw na bala, subalit nalapatan na ito ng lunas. —sa panulat ni Lea Soriano

About The Author