Pagpapaliwanagin ni Sen. Sherwin Gatchalian ang Department of Health at ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kaugnay sa sobra-sobra nitong pondo.
Sinabi ni Gatchalian na pagdating sa budget hearing ng DOH at PhilHealth ay tatanungin niya ang mga ahensya kung bakit tila hindi nila nagawa ang kanilang mandato na magbigay ng sapat na benepisyo sa kanilang mga miyembro kaya marami silang sobrang pondo.
Kasabay nito, muling nanindigan si Finance Sec. Ralph Recto na walang samang idudulot sa mga benepisyo ng mga miyembro ng PhilHealth ang paglilipat ng ₱89.9-B na excess fund sa National Treasury.
Sinabi ni Recto na kahit ilipat ang excess fund, tuloy ang pagdaragdag ng 30% na benefit packages sa mga miyembro ng PhilHealth dahil kakayanin pa rin ito ng pondo ng ahensya.
Sa pagtatapos aniya ng taong 2024, aabot pa sa ₱61-B ang net income ng PhilHealth kaya’t papalo sa ₱550-B ang reserve fund nito na kahit dalawa o tatlong taon pa ay sasapat pa para sa benepisyo ng mga miyembro.
Kinumpirma rin ni Recto na ang naunang ₱20-B na excess fund ng PhilHealth na naitransfer sa national goverment ay ginamit sa pagbabayad ng health emergency allowances (HEA) ng health workers at frontliners.
Ang panibagong ₱20-B naman aniya na ililipat sa August 21 ay gagamitin hindi lang sa infrastructure program kundi maging sa health at education initiatives.
Mas makabubuti na aniyang gastusin ang natutulog na pondo sa halip na mangutang pa ang gobyerno. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News