Sisingilin ni Sen. JV Ejercito ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa pangakong mas malawak na benefit packages, kasunod ng desisyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ibalik sa kanila ang P60 bilyong excess fund.
Sinabi ni Ejercito na malaking tulong ang desisyon ng Pangulo para tunay na maramdaman ang Universal Health Care Law.
Kabilang dito ang pagtupad sa no balance billing sa mga ospital at pagpapabuti at pagpapalawak ng mga benefit packages ng PhilHealth gaya ng dental care, outpatient emergency care, at iba pa.
Nagbilin din ang senador na dapat tiyakin ng PhilHealth na ang pondo ay diretsong mapupunta sa mga miyembro, lalo na sa mga pasyenteng nangangailangan ng agarang tulong.
Aniya, kapag mas malaki ang ambag ng PhilHealth sa gastusin, mas lumiit ang out-of-pocket expenses at gumaan ang pasanin ng bawat pasyente at ng kanilang pamilya.