dzme1530.ph

PhilHealth, binatikos sa delayed na pamamahagi ng mobility devices sa mga senior citizen

Loading

Nakatikim ng sermon mula kay Sen. Erwin Tulfo ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa hindi maayos na pangangalaga sa mga senior citizen.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development na pinamumunuan ni Tulfo, lumitaw na hindi pa natatanggap ng mga senior citizen ang mga libreng wheelchair at mobility devices kahit kabilang ito sa benefit package ng PhilHealth.

Binigyang-diin din ng senador na dapat maglaan ang PhilHealth ng libreng salamin at hearing aid sa mga senior citizens.

Kinatigan naman ito Sen. Risa Hontiveros at iginiit na dapat maisama rin sa benepisyo ang Persons with Disabilities (PWDs).

Ayon kay PhilHealth Chief Social Insurance Specialist Jojit Mislang, inuuna nila ang mga kinakailangang requirements bago ang distribusyon, at kasalukuyang hindi pa sakop ng benefit packages ang libreng salamin at hearing aid.

Kasabay nito, iginiit ni Tulfo na dapat dumalo sa susunod na pagdinig si PhilHealth President at CEO Edwin Mercado, lalo na’t marami na ang pangakong binitiwan ng ahensya na hanggang ngayon ay hindi natutupad.

About The Author