Pinatitiyak ni Sen. Christopher “Bong” Go sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na mapapakinabangan ng mga miyembro nitong naapektuhan ng pananalasa ng bagyo at ng habagat ang nararapat na benepisyo para sa kanila.
Ipinaliwanag ni Go na dahil sa epekto ng kalamidad, inaasahang may mga magkakasakit sa hanay ng mga nasalanta ng ulan at baha.
Partikular na pinababantayan ng senador sa PhilHealth ang pagkakaloob ng benepisyo sa mahihirap na pasyente, lalo na ang mga medical benefits.
Kasunod ito ng inanunsyo ng PhilHealth na mahigpit nang ipatutupad ang outpatient emergency benefit package, kung saan maaaring gamitin ng isang pasyente ang kanyang PhilHealth benefits kahit hindi ma-admit o ma-confine sa pagamutan.
Kaugnay nito, nananawagan ang senador sa publiko na bantayan ang kalusugan, kasabay ng pagmo-monitor sa implementasyon ng polisiya ng PhilHealth, lalo’t pera ng taumbayan ang ginagamit dito.