Hinimok ng Philippine Constitution Association (PHILCONSA) ang Korte Suprema na muling pag-aralan ang inilatag nitong mga bagong patakaran kaugnay sa paghahain ng impeachment complaint. Ito’y matapos ideklarang unconstitutional ng Korte ang isinampang reklamo ng Mababang Kapulungan laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa isang pahayag, ipinaabot ni Philconsa chairman at dating Chief Justice Reynato Puno ang matinding pagkabahala sa seven mandatory rules na ipinataw ng Korte sa Kamara de Representantes sa pagsasagawa ng impeachment process.
Ayon sa Philconsa, ang naturang mga alituntunin ay hindi nagpapakita ng balanse sa kapangyarihan ng mga sangay ng pamahalaan at malinaw umanong pumapabor sa Korte Suprema.
Binigyang-diin pa ng grupo na ang mga patakarang ito ay tila nagpapawalang-bisa sa eksklusibong kapangyarihan ng Kamara na magpasimula ng impeachment proceedings, isang kapangyarihang malinaw na nakasaad sa Article XI, Section 3 ng Saligang Batas.
Dagdag pa ni Puno, walang kapangyarihan ang Korte Suprema na bumalangkas ng mga alituntunin hinggil sa impeachment, dahil ito ay saklaw lamang ng Kamara bilang tagapagpasimula ng naturang mga kaso.