Hindi naka-direkta sa anumang bansa ang gaganaping kauna-unahang trilateral summit ng Pilipinas, America, at Japan sa susunod na linggo.
Ito ay sa harap ng mga lumalalang agresibong aksyon ng China sa South China Sea.
Sa press briefing sa Malacañang, inihayag ni Department of Foreign Affairs (DFA) Acting Deputy Undersecretary Hans Mohaimin Siriban na hindi layunin ng summit na galitin ang anumang bansa, dahil ang pinaka-layunin nito ay ang pagpapalalim pa ng matatag na alyansa ng bawat bansa.
Kasama rin ang kooperasyon sa ekonomiya, partikular para sa economic resilience ng pilipinas sa strategic at critical infrastructure.
Tatalakayin din ang mga aksyon laban sa climate change, kaakibat ng pagsusulong sa paggamit ng clean at green energy, habang sisikapin ding palawakin ang kooperasyon sa mahahalagang industriya tulad sa critical minerals at semi-conductors.
Gayunman, sinabi ni Siriban na hindi pa rin isasantabi ang usapin sa seguridad.
Sa ngayon ay nananatili naman umanong bukas ang mga linya ng komunikasyon at nagpapatuloy ang dayalogo sa mga kapitbahay na bansa.