Hindi layon ng Balikatan exercises sa pagitan ng Estados Unidos at Pilipinas na pigilan ang anumang uri ng pambubully ng China sa West Philippine Sea (WPS).
Ito ang binigyang-diin nina Senate Majority Leader Joel Villanueva at Sen. Francis Tolentino at Sen. Jinggoy Estrada kasunod ng pinakabagong water cannon attack ng China Coast Guard sa tropa ng pamahalaan.
Sinabi ni Villanueva na ang layunin ng Balikatan exercises ay palakasin ang interoperability ng ating defense systems at ng mga kaalyadong bansa.
Iginiit pa ng senador na ang China ay isa nang certified bully at ang kanilang scare tactics ay bahagi ng propaganda.
Subalit anuman aniya ang gawin ng China ay hindi nito matatanggal ang sovereign rights ng Pilipinas sa WPS, lalo na sa Scarborough Shoal na malinaw na pasok sa ating exclusive economic zone.
Binigyang-diin naman ni Tolentino na may ibang misyon ang Balikatan o joint military exercises at mas dapat pagkatiwalaan ang effectiveness ng ating pakikipag-alyansa at hindi ang unruly behavior ng mga nais na maka-distract sa ating mga aktibidad sa WPS.
Ipinaliwanag naman ni Estrada na ang annual joint military drill ay hindi nakadisenyo bilang combat operations laban sa anumang bansa.
Hindi aniya saklaw ng Balikatan ang pagtugon sa coercive actions ng China laban sa Pilipinas.