Ipinag-utos ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang pag-reorganize at paglilipat ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) sa Department of Agriculture (DA) mula sa Department of Finance.
Sa Executive Order No. 60, inihayag ng pangulo na kina-kailangan ang maigting na organizational link sa pagitan ng PCIC at DA upang mapalakas ang insurance protection program sa agrikultura, na aktibong tutugon sa pangangailangan ng maliliit na magsasaka at mangingisda, at iba pang stakeholders.
Ito ay kaakibat ng mga polisiya at programa para sa pagtitiyak ng food security.
Kaugnay dito, binalasa ang PCIC at bubuuin ito ng mga presidente ng Land Bank of the Philippines at PCIC, Executive Director ng Agricultural Credit Policy Council, isang kinatawan mula sa private insurance industry, at tatlong kinatawan mula sa farmers’ sector.
Ang PCIC ay isang Government-Owned Or -Controlled Corporation (GOCC) na nilikha upang magbigay ng insurance protection sa mga magsasaka para sa mga pinsala mula sa mga kalamidad, plant diseases, at mga peste.