![]()
Nakikipag-ugnayan na ang Philippine Consulate General sa Sydney sa mga awtoridad ng New South Wales upang alamin kung may mga Pilipinong nadamay sa naganap na mass shooting sa Bondi Beach sa Sydney, Australia.
Ayon sa Philippine Consulate General, batay sa koordinasyon sa New South Wales Police Protection Operations Unit, wala pang naiulat na Pilipinong nasawi o nasugatan sa insidente.
Naganap ang pamamaril noong Disyembre 14 sa Bondi Beach habang ginaganap ang pagtitipon kaugnay ng Jewish holiday na Hanukkah. Labing-isang katao ang naiulat na nasawi.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang Philippine Consulate General sa mga pamilya ng mga biktima at pinayuhan ang mga Pilipino sa lugar na manatiling alerto, umiwas muna sa apektadong lugar, at sumunod sa abiso ng mga lokal na awtoridad.
