Palalakasin ng Pilipinas at Qatar ang ugnayan sa larangan ng sports sa bisa ng Memorandum of Understanding, na iprinisenta kasunod ng bilateral meeting sa Malacañang nina Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Qatari Amir Sheikh Tamim Bin Hamad Al Thani.
Ayon sa Palasyo, sa ilalim ng MOU ay magkakaroon ang dalawang bansa ng exchanging visits ng sports delegations, coaches, experts, at specialists.
Magkakaroon din ng pagbabahagi ng mga pag-aaral at karanasan sa physical education at physical activities, at gayundin ang pagsasagawa ng sports meetings, conferences, lectures, seminars, at academic forums.
Pag-aaralan din ang mga oportunidad at financial issues sa pagdaraos ng sports competitions.
Mababatid na noong 2022 ay naging host ang Qatar ng 22nd FIFA World Cup o ang World Championship ng Football.