dzme1530.ph

Petisyon ni Sen. Estrada laban kay Engr. Brice Hernandez, hindi pa tuluyang ibinabasura ng korte

Loading

Nilinaw ng kampo ni Senador Jinggoy Estrada na nananatili pa rin ang kanilang aplikasyon para sa Writ of Preliminary Injunction na inihain nila sa San Juan Regional Trial Court laban kay dating DPWH Engineer Brice Hernandez.

Sinabi ni Atty. Bianca Soriano, legal counsel ni Estrada, na dineny lamang ng korte ang hiling nilang Temporary Restraining Order at hindi ang buong kaso.

Katunayan, nakatakda pa aniyang dinggin ang kaso sa Nobyembre 12 para bigyan ang dalawang panig ng pagkakataong magharap ng kanilang mga argumento at ebidensya.

Idinagdag ng legal counsel na nakasaad din sa resolusyon ang paalala hinggil sa sub judice rule, na nagbabawal sa mga pampublikong pahayag o diskusyon sa media man o online na maaaring makaapekto sa desisyon ng hukuman, makapinsala sa mga isyung saklaw ng kaso, o makasagabal sa maayos na pagganap ng hustisya.

Tiniyak din ni Soriano na iginagalang ng senador ang kautusang ito at susunod sa lahat ng patakaran ng hukuman, alinsunod sa rule of law at integridad ng mga korte.

Patuloy din aniyang gagamitin ng kampo ng mambabatas ang lahat ng ligal na hakbang upang papanagutin ang sinumang lalabag sa kanyang mga karapatan, magpapakalat ng maling impormasyon, o sisira sa kanyang pangalan.

Kumpiyansa rin siya na mananaig ang katotohanan sa pamamagitan ng due process.

About The Author