Hinikayat ni Senate Committee on Public Services Chairman Raffy Tulfo ang Land Transportation Office (LTO) na imandato sa mga motorista ang personal appearance sa pagrerenew ng rehistro ng kanilang mga sasakyan at magsumite rin ng valid Government ID.
Sa gitna aniya ito ng impormasyon na nahihirapan ang awtoridad na tukuyin ang gumamit ng sasakyang sangkot sa krimen o aksidente dahil matagal nang naibenta ito pero nakapangalan pa rin sa unang owner.
Binanggit na halimbawa ni Tulfo ang Silver Mitsubishi Montero Sport na may plakang PEO-987 na ginamit sa pambubudol sa isang cancer patient noong June 10.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin natutukoy ang driver nito dahil napagpasa-pasahan na ang kotse at “open deed of sale” lamang ang naganap na proseso.
Iginiit ni Tulfo na nagiging common practice lalo na sa buy and sell, na bibili ng sasakyan ang isang tao at hindi muna ito inire-rehistro dahil ibebenta rin ito.
Sa ganitong practice aniya malakas ang loob ng mga driver na takbuhan ang kanilang responsibilidad sakaling may aksidenteng nangyari sa daan.
Dahil dito, maghahain si Tulfo ng panukala para i-require na 10-araw mula sa date of purchase ng sasakyan, dapat ay registered na ito sa LTO.
Kapag hindi naka-comply ang owner, mai-impound agad ang kanyang sasakyan.