Tila nauwi sa komedya ang ikatlong pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs kaugnay sa sinasabing ‘PDEA Leaks’ o ang paglabas ng confidential pre-operation report na nagsasaad ng umano’y pagkakasangkot ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa paggamit ng iligal na droga.
Ito ay nang aminin ng isa sa mga resource person na si Eric Santiago na kathang isip lamang ang lahat ng mga nabanggit niya kay Romeo Enriquez na dati ring miyembro ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na humaharang umano kay dating PDEA Agent Jonathan Morales na humarap sa Senado.
Si Santiago ang sinasabi ni Morales na nagbabala sa kanya na posible silang mapatay sa patuloy na pag-iingay at idinawit pa ang pangalan ni First Lady Liza Araneta-Marcos.
Muli namang inungkat ni Senador Jinggoy Estrada ang mga kaso ni Morales na agad umalma at iginiit na walang kinalaman sa kasalukuyang imbestigasyon ang mga kinakaharap niyang kaso at inakusahan si Estrada na sinisira lamang ang kanyang kredibilidad.
Binigyang-diin naman ni Estrada na nais lamang niyang alamin ang personal na pagkatao ni Morales at ipinaalala na hindi niya masabi kung sino ang kanyang impormante.