Nilinaw ng Philippine Center on Transnational Crime na hindi Red Notice mula sa International Criminal Police Organization (INTERPOL) ang ginamit nila sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations, sinabi ni PCTC Exec. Dir. Anthony Alcantara na Red Diffusion lamang mula sa Interpol ang ginamit sa pagdakip sa dating Pangulo.
Binigyang-diin naman ni Sen. Imee Marcos, chairman ng kumite, na talagang walang batayan ang agad na pag-aresto sa dating Pangulo na ngayon ay nakakulong sa The Netherlands.
Sinabi ni Marcos na ang red diffusion ay paghingi lamang ng impormasyon at nagsasaad ng pakikisuyo sa kapwa bansa na sila ay tulungan sa pagpapatupad ng warrant of arrest.
Ipinaliwanag naman ni Alcantara na ang sinasabi ni Marcos ay ang tinatawag na Blue Diffusion habang ang hawak nila ay Red Diffusion.
Nakasaad aniya sa red notice ang pangalan ng dating Pangulo na mayroon nang warrant of arrest at kailangang ipatupad.
Nanindigan naman ang isang international lawyer na may paglabag na nagawa ang mga awtoridad sa pag-aresto sa dating Pangulo.
Sinabi ni Atty. Alexis Medina na dapat ay idinaan muna sa isang local court ang dating Pangulo bago itinurn over sa ICC.