Sa unang pagkakataon, gagamit ng Remotely Operated Vehicle (ROV) ang Philippine Coast Guard (PCG) sa nagpapatuloy na search and retrieval operations para sa mga nawawalang sabungero sa Lawa ng Taal.
Ang ROV ay isang advanced underwater robotic system na may kakayahang magsagawa ng operasyon sa lalim na hanggang 1,000 talampakan, at kayang mag-angat ng mga bagay na may bigat na 10 hanggang 12 kilo.
Nilagyan ito ng high-powered camera at ilaw para tumagos sa mababang visibility sa ilalim ng lawa, pati na rin ng clamp para sa pagkuha ng mga ebidensiya.
Layunin ng paggamit ng ROV na pabilisin ang operasyon at tiyakin ang kaligtasan ng technical divers ng PCG, lalo na’t hamon ang ilalim ng Lawa ng Taal dahil sa malawak na lugar, lalim, burak, zero visibility, at malalakas na agos.
Ang ROV ay gawa ng kompanyang VideoRay, isang kilalang manufacturer ng mga maaasahan na ROVs sa buong mundo.
Maliban sa search and rescue operations, ginagamit din ang mga ROV sa iba’t ibang sektor tulad ng depensa, civil inspection, nuclear energy, offshore oil and gas, wind at hydroelectric energy, water management, agham, aquaculture, shipping, salvage, broadcast, at wreck diving.
Samantala, iniulat ng PCG na umabot na sa limang sako ng buto ang narekober mula sa lugar ng operasyon.
Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na ang mga ito ay may halong buto ng tao at hayop. Sa kasalukuyan, isinasailalim na sa forensic DNA analysis ang mga buto upang i-cross match sa mga DNA samples mula sa mga kamag-anak ng mga nawawalang sabungero.