dzme1530.ph

PCG, nakatanggap ng P250-M halaga ng building galing sa US government

Natanggap ng Philippine Coast Guard (PCG) ang bagong tayong Specialized Education and Technical Building na donasyon ng gobyerno ng Estados Unidos.

Pinangunahan nina US Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson at PCG Deputy Commandant for Administration, CG Vice Admiral Ronnie Gil Gavan, ang ceremonial turnover at blessing ceremony ng nasabing gusali na matatagpuan sa Fleet Training Center of Excellence ng PCG sa Balagtas, Bulacan.

Ang P250-M na dalawang-palapag na gusali ay sumasaklaw sa 3,900 square meters at mayroong ng classrooms, laboratories, equipment rooms, dining facilities, isang galley, mga opisina, technical library, at work station.

Sinabi ni CG Vice Admiral Gavan na ang donasyon ay gagamitin upang turuan, paunlarin, at pahusayin ang kaalaman at kasanayan ng mga tauhan ng PCG dahil ito ay tutugon sa mga pangangailangan sa pagsasanay ng mga mag-aaral ng Fleet Education Training Development Doctrine Institute (FETDDI) na sumasailalim sa iba’t ibang karera at kakayahan sa barko.

Sa pahayag ni Ambassador Carlson, ang donasyon ay bahagi ng patuloy na pangako ng gobyerno ng US na tulungan ang PCG sa pagpapahusay ng mga kakayahan nito, pagtugon sa mga hamon sa maritime, at pagtatanggol sa mga karapatan ng soberanya ng Pilipinas kabilang na ang West Philippine Sea. –sa ulat ni Felix Laban, DZME News

About The Author